kung hanggang tula lang ako
richard r. gappi
Puting lapida itong pintong papel.
Tuwing dadalaw ka, nagkakapangalan
ang pangungulila, nahahawi
ang mga agiw na napagkit sa mga ukit.
Tila umiingit na bisagra ang mga salita
kapag pinatutuloy ang mga ito;
sumisilip naman ang matalas na sinag,
tila balaraw na nilalaslas ang dilim
na nakalupasay sa sahig.
Minsan, nagmumulto ang puntod.
Pinangangatog ang tuhod.
Ngunit muli akong ipapanatag
ng katotohanang nakapinid na
ang ngiti ng lugod,
nakahimlay na ang damdaming
nagpatibok sa puson.
Sa ganitong tagpo, lalong
lumalawak ang giwang ng pinto.
Sapagkat sa bawat katok ng mga salita
nauulinigan ko ang iyong
mga impit na halinghing at bulong;
sa bawat tulos ko ng taludtod,
pumapatak sa diwa ang malalapot na gunita;
at kapag naitundos ko ang imahen,
nakukuyom ko kahit
ang balangkas ng iyong anino.
Kaya unawain ako
kung ito lang ang kayang gawin.
Sapagkat tula lang ang naaangkin.
At dito ka lang nagiging akin.
11:54 ng gabi
ika-25 ng oktubre, 2008
Saturday, October 25, 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)