Saturday, October 3, 2009

umuulan na naman

umuulan na naman.

sinalanta ang termino na ginagamit ng mga tao ngayon. nang bumibiyahe ako kanina sa marikina, narinig ko ang isang ale na nagsabing ‘sinalanta kami.’ dati’y ‘binaha kami’ o ‘nasunugan’ o kaya’y ‘nanakawan,’ sinalanta lang ang salitang kayang sumalikop sa naranasan ng mga taga-maynila at rizal sa bagyong ondoy.

medyo natagalan ang pasada ng jeep na sinasakyan ko papuntang marikina sports complex upang magpamasahe kay kuya roger. kapag sobrang pagod ang katawan ko’t nangangailangan ng matinong masahe, pinupuntahan ko ang sports complex ng marikina dahil sa mura at mahusay na pagmamasahe ng mga manong doon. bangko nga lang ang upuan at topless kang daraanan ng mga paroo’t parito sa pasilidad pero sulit naman. halos katulad ng sa philcoa na may mga bulag na masahista na pinupuntahan ko lang kapag masakit na ang balikat at kailangan na ng mabilisang aksyon. higit na mahusay dahil pulido kaysa sa mga spa na hirap na hirap at mukhang ang mga ate pa ang higit na nangangailangan ng pagmamasahe. magkano kaya ang sahod nila?

balik sa usapin ng pagsalanta. marikina at pasig ang pinakanapinsalang lugar sa metro manila. ang mga ito kasi ang tabi ng ilog, pinakamababa at tagasalo ng tubig na nanggagaling sa mataas na lugar ng rizal. kanina nga’y maputik pa rin ang mga daanan sa kabila ng halos isang lingo nang paglipas ng bagyo. may mga bahagi pang nakasusulasok ang amoy – amoy na hindi lamang basura kundi nabubulok na karne. wala namang patay na nakita (ulit) ngunit sa tingin ko’y mga nabubulok na karne ng patay na mga hayop. kapag panahon ng ganitong trahedya’y nagsasama-sama ang tao, hayop at bagay na winasak ng sama ng pangyayaring tao rin naman ang sa huli’y may kagagawan at magagawa.

ang katindihan ng pagsalanta ay nakasalalay sa hindi inaasahan at hindi rin naman (palagi na lang) napaghandaang bagyo. biyernes ng gabi ng nakaraang linggo’y nanood pa kami nina mc at mikee ng concert ng choir ng kaibigan. kakain pa sana pagkatapos kaya lang ay maghahating gabi na at may gagawin pa kinabukasan. wala nang tren at nahirapan kaming sumakay ng taxi papuntang malabon. tapos heavy traffic na sa ilang mga daan at nakita namin ng driver na hindi na umuusad ang mga sasakyan pa-nlex. normal lang naman ito sa atin. umuwi ako ng bahay, naligo at natulog na. mga banding alas-onse ng umaga nang ginising ako ng tatay ko at sinabing ayusin na ang mga gamit dahil bumabaha na. mabilis tumaas ang tubig dahil nanggagaling na rin sa loob (banyo) ang pagtaas. maya’t maya kaming naglilimas ng tubig pero walang tigil ang ulan kaya’t tumataas pa rin ang baha sa loob ng bahay. nag-brownout na rin hindi naglaon. ang hirap alagaan ng pamangkin kong hindi makalakad dahil nga binaha na kami. ayaw niya na kasi ng kinakarga; ang gusto’y paroo’t parito sa paglalakad at pakikipaghabulan. stranded ang nanay ko na nasa tindahan namin ng printing supplies. pati na rin ang kapatid ko na galing sa overnight na trabaho sa opisina at isa pang kapatid na galing sa eskuwelahan. nalimas din naman naming ang tubig ng mga banding ala-seis ng gabi. ipinagpaliban ang masusing paglilinis dahil madilim na. kumain ng hapunan at nagtiis sa dilim na natapos din ng mga alas-onse.

kinabukasan na kami nakanood ng tv at inasahan na ang trahedya. nagpunta pa nga ako sa megamall upang humanap ng bookshelf; nasira kasi ang mumurahing shelf na binili ko dati pa. marami akong mga librong photocopies: may mga softbound, hardbound, spiral at wired na bookform at spread copies. ang mga nalunod na librong ito lang naman ang casualty ko, pati na ang isang bookshelf na nanghina sa pagkakababad sa baha’t bumigay. wala kumpara sa dinanas ng daan-daang libo. nagulat ako sa text ng co-teacher na si mikee na linggo na ng umaga sila nakauwi ng bahay! stranded pala sa upmanila ang mga estudyante, teachers at pati guests! nagulat ako dahil ngayon lang nangyari ito. ipinagpapasalamat ko dati na hindi namin ito nararanasan dahil ikinuwento ng ilang mga teachers na nangyari sa kanila ito noon. pero lunes na nang nakapanood ako nang matagal-tagal. ang dami palang namatay! may nakasabit na lang sa puno, may nakita na lang kasama ng mga basura. nakakakilabot at lubos na nakapagpalungkot sa akin ang isang pamilyang ligtas pa pansamantala dahil nasa ibabaw ng yero. tinitingnan sila ng mga tao na paghahagis na lang ng lubid ang magagawang tulong. nang dumaan sila sa ilalim ng tulay, isa na lang ang natira nang pinuntahan ng mga tao sa kabilang bahagi. pumailalim tiyak sa matinding current sa ilalim ng tulay. ito ang nakapanghihindik: ang pagtungayngay sa mga kapwa-taong marahas na sinasalanta ngunit wala ka nang magawa. ibinaba na lamang sila sa pinakaabang kalagayan at nasaksihan mo pa ang agaran nilang pagkawala. paano ka magiging tao sa gitna ng kalagayang ito?

ngayon ay may bagyo na naman. mas kaunti daw ang dalang tubig ngunit mas matindi ang hangin, na kasing-panganib din lalo na dahil napakaraming poste’t billboard, bubong, at bahay na palagi na lang tinatangay dito sa atin. siyempre pa nakatutuwa ang pagtutulungan, ang bayanihan. hindi mabilang ang mga indibidwal at samahang tumutulong nang walang pagkilala at hinihinging kapalit. kabi-kabila ang kritisismo at sa puntong ito’y dapat nating iwaksi ang paghuhusgang lahat tayo ay may kasalanan. totoong nagkakamali tayo sa pagtatapon ng basura at iba pang kapabayaan. ngunit alam nating nasa antas panlipunan—higit pa ngunit nakasandig sa indibidwal—at pampulitika ang ating abang kalagayan. mga pagkilos lamang na tumuturol sa polisiya ng pangangalaga sa kalikasan, maagap na pagtugon at kahandaan sa baha, lindol, sunog at kung anu-ano pang kalamidad ang makalulutas ng ating suliranin sa kasalukuyan at darating pa. ang pagsisi sa kalakhan, lalo na sa maliliit na higit na pininsala ng bagyong ito ay pagwawalang-sala sa mga tao at institusyong may sala sa pagkalbo sa ating kagubatan, hindi tamang pagsasaayos ng basura, at tiwaling administrasyong ninanakaw ang pondong gagamitin sana sa wastong pag-uulat ng panahon at pagtugon sa sakuna.

inaalipusta din tayo sa simbolikong antas sa pagsasabing pinapantay ng trahedyang ito ('great equalizer') ang lahat ng mga Pilipino: walang mayaman, walang mahirap, pawang mga biktima lamang ni bagyong ondoy. alam nating sa antas ng karanasa’y hindi ito totoo, kaya kailangan nating igiit sa antas ng kaalaman. ang mga bakanteng fastfood outlets at iba pang establisimiyento at negosyo ay nililinis ng kanilang service crew at babantayan ng security guards, mga obrerong underpaid, overworked at may mga sariling tahanan ding kailangang kalingain. halos isandaang porsyento ng mga namatay, nagkasakit, nasugatan, nalunod at nawawala pa hanggang sa ngayon ay mahihirap hindi lamang dahil sa kalakhan ng ating populasyon ay naghihirap kundi dahil sila ang walang kahandaan, hindi naabisuhan, hindi nakatakas at lagi’t laging naiipit sa mga kalamidad na tulad nito. maaaring magpalipas ng panahon sa hotels ang mga may-kaya habang nililinis ng maids ang kanilang mga bahay. tandaan nating may kumikita din sa krisis na ito: relief operations na itinatambak at ipapamahagi sa mga darating na araw, linggo at buwan kasama ng pangalan at mukha ng pulitikong hindi naman sila kinupkop bago ang sakuna. nandiyan din ang tv networks na ginagawang negosyo/kumpetisyon ang pagtulong. higit na sumisikat ang mga artista, tv networks at mga trapong tumataas ang value dahil sa kawanggawang karukhaan din naman ang nagpapalawig.

3 oktubre 2009