Sa introduksyon pa lamang ay idiniin na ng mga awtor ang gampanin ng ideas at virtue sa kasaysayan ng Amerika. Ang mga konseptong ito ay nakabatay sa karakter ng mga lider ng bansa, karakter na mahigpit na kabahagi ng liberty at property. Nais linawin nina Schweikart at Allen na nagmumula ang lahat sa “dalisay” na karakter ng mga indibidwal at pinunong magpapausad ng kasaysayan ng Amerika. Kaya sa puntong inabot ng aking pagbabasa, pangunahin sa mga sumulat ang mithiin ng kung sinumang magkakamit ng bansang balang araw ay mangunguna sa buong mundo: mithiing maging tanyag, magpalaganap ng salita ng Diyos o makapagkamal ng yaman na maaaring palaguin nang husto.
Mali naman ang maging counterfactual ang paglapit natin sa kasaysayan, ‘yon bang magpilit sa pagsagot sa mga tanong na “paano kung?” Pinakamatinding tira marahil sa pagbago ng kinabukasan itong hindi mapinal na aktitud sa nakalipas. Hindi mali ang pananaw ng mga awtor na “European military superiority” (6) at “European political constructs of liberty, property rights, and nationalism” (7) ang nakapagpanaig sa mga kolonisador laban sa atrasadong sibilisasyon ng mga sinakop. Pero dahil sinusuri at dapat lamang husgahan (upang makagawa pa ng mas nararapat) ang nakaraan batay sa pinakawastong pamantayan ng kasalukuyan, higit pang mapang-api ang pananaw na nakolonisa at naghirap ang marami dahil sa payak na sanhing sila ay mas mahina. Kumplementaryo ng victimology ang self-righteousness ng oppressors. Kapag susundin natin ang lohikang ganito, nanakawin sa mga nagapi maging ang katwiran kung bakit sila natalo. Wala nang kaligtasan sa kasaysayan.
Inuugat din ng Patriot’s History ang ilang mga usaping mainit na pinagtatalunan sa ngayon patungkol sa esensiyal na katangian at kagawian ng Amerika. Sa simula pa’y nandiyan na ang “role of God in human affairs” (70) kaya hindi dapat paghiwalayin ang pulitika at pananampalataya. Ang “separation of church and state” ay nanganganib kung gayon dahil pilit sinasabing mula sa simula pa (at hindi dapat baguhin) ang independence leaders ay “steeped in the traditions and teachings of Christianity” at “any reading of the American Revolution from a purely secular viewpoint ignores a fundamentally Christian component of the Revolutionary ideology.” (71) (Nakasulat ang “in God we trust” sa kanilang pera. Hindi kaya pera ang naging diyos ng marami sa kanila?) Kung kaya ngayon ay pinupuwersa ang mga kandidato sa pagka-presidente na sabihin ang kanilang paninindigan sa usapin ng pananampalataya, bagay na mag-aalis sa kapasyahang maniwala sa diyos sa personal at mapayapang pamamaraan. Noon pa’y may gun culture na dahil sa “nearly universal ownership and use of firearms” (72) upang labanan ang lahat ng nagtatangka sa kanilang pagmamay-ari, mapa-dayuhan man o lokal. At mula’t sapul ay ang pro-war policy upang ipagtanggol ang katiwasayan ng buhay sa loob.
Marami pa siguradong masasalubong na mga lumang bagong usapin sa sulating ito. Makapal ang libro dahil sa pagkalap ng datos upang suportahan ang maningning at puno ng pag-asang nakaraan ng Amerika, ayon sa mga may-akda. Pero bumaling naman ang interes ko sa The War of the World: Twentieth-Century Conflict and the Descent of the West ni Niall Ferguson.