Nagulantang ang marami nang may isa na namang namatay sa fraternity hazing. Taga-UP pa. Pero ang partikular na tuon ng mamamayan sa ngayon ay may malaking kaibahan sa mga dati nang kaso ng mga namamatay sa initiation ng mga kapatiran.
Panghihinayang dahil malapit nang magtapos ng kolehiyo si Cris Mendez. Hindi na mapapakinabangan ang kanyang pinag-aralan, sayang ang ibinuhos na rekurso ng mga magulang at ng lipunan. Awa dahil mahirap na naman ang naging biktima – mahirap na biktima pa ng mga mayayamang kasapi ng fraternity na kanyang sinalihan. Bagama’t masasabing ang kaso pa rin ni Niño Calinao ang kaawa-awa: ang simpleng estudyanteng tumambay sa isang lugar sa pangunahing gusali ng unibersidad ay napagkamalang miyembro ng kaaway na kapatiran at binaril ng isang hired killer. May klase ako noong mga oras na ‘yon, akala ko’y simpleng fireworks lang dahil madalas namang may mga aktibidad na gumagamit ng mga paputok. Yon nga lang, ang ilang putok na narinig nami’y pumaslang ng isang inosenteng ipinag-uutang pa ng kanyang mga magulang para lang makabiyahe papuntang UP. Si Niño din ay natutulog sa Sunken Garden kapag walang pamasahe pang-uwi. Wala pa noong Special Security Brigade na magpapalayas sa mga tambay at hindi naman gano’n kapursigido ang undermanned na UP Police. At ang kanyang pamilya ay nakatira lang sa kariton sa isang basketball court.
Pero siyempre ang awa di’y bahagi lamang ng biktimisasyon, paglulugar ito sa mga nasawi/naapi/napagsamantalahan hindi lamang sa isang pasibong posisyon; masahol pa dito ay ang pagtatangi sa kanila bilang mga tagatanggap ng nalalabi nating pakiramdam—at ang konsolasyon na nasa mas mabuti pa tayong kalagayan dahil nga naaawa tayo—ang pagturing sa ating mga sarili na may kapasidad (pang) tumugon, kahit pa pinananatili ng mga kondisyong panlipunan (isang kahatian nito) na maging reaktibo na lamang tayo sa mga nagaganap.
Sinapol ng nangyari kay Cris ang taimtim na ugnayan ng karahasan sa katawan at buhay nating lahat. Sentral sa usaping ito ang pagkuwestiyon sa pulitikal na mga mithiin ng kapatiran: paghihimok sa kanila na iwasan ang senseless violence, magbalik-aral sa saligang mga prinsipyo at mag-alay ng talino’t lakas para sa pamantasan at sambayanan. Hindi dapat mag-away at magkahati-hati bagkus ay magkaisa para sa dakilang layunin.
Sino ang may lehitimong gamit ng karahasan?
Sapagkat nakapaloob sa diskurso ng pampulitikang pagpaslang na iniuumang laban sa pamahalaan at sa rebolusyonaryong kilusan ang pagkamatay ni Cris Mendez, hindi natin dapat tawaran ang pagpupursigi sa makatarungang kapakinabangan ng karahasang nasa ubod ng pampulitikang kapangyarihan. Sang-ayon ako na parusahan ang may kasalanan dito. Tutol ako na walang-silbi ang buhay ni Mendez sa kasong ito; kahit na palasak, itinatampok pa rin niya ang karahasang nananalaytay sa mga eskuwelahan, partikular sa pamantasang hinuhubog ang bagong henerasyon upang mamuno sa hindi naman talaga makatarungang kaayusan. Pagsasakatawan si Cris ng suliraning ito.
Gagawin daw ng UP ang lahat para mapanagot ang may sala at hinihimok tayong lahat na pagsumikapang si Cris Mendez na ang huling sakripisyo (Oblation?). Isinasalin papaloob ng unibersidad ang karahasang literal/pisikal sa labas na palagiang may pakikibakang paninimbulo.
Sana, ang mga halimbawa nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño ang magtagumpay na simbulo ng Pamantasan ng Pilipinas sa pakikibaka nating tiyak na lalampas sa dimensiyong simboliko.
18 setyembre 2007
No comments:
Post a Comment