Ngayong gabi maisusulat ko ang pinakamalulungkot na taludtod.
Maisusulat, halimbawa, ‘Mabituin ang gabi
at bughaw ang mga bituin at nanginginig sa kalayuan.’Umiikot ang hangin ng gabi sa kalangitan, umaawit.
Ngayong gabi maisusulat ko ang pinakamalulungkot na taludtod.
Inibig ko sya, at kung minsan inibig din nya ako.Sa mga gabing tulad ng gabing ganito hinapit ko sya sa aking mga kamay.
Hinagkan ko syang muli’t muli sa lilim ng walang hanggang kalangitan.Inibig nya ako, kung minsan inibig ko rin sya.
Paano hindi iibigin ng sinuman ang kanyang iisa ang titig at malalaking mata.Ngayong gabi maisusulat ko ang pinakamalulungkot na taludtod.
Isipin na lang na wala sya sa piling ko. Ang madamang nawala na sya sa akin.Na marinig ang dambuhalang gabi, lalung dambuhala nang wala na sya.
At umuulan ang taludtod sa kaluluwa tulad ng hamog sa pastulan.Anu naman kung hindi sya mapanatili ng aking pag-ibig.
Mabituin ang gabi at hindi ko sya kapiling.Ganito ang lahat-lahat. Sa kalayuan may umaawit. Sa kalayuan.
Hindi nasisiyahan ang aking kaluluwa na nawala na sya sa kanya.Tinangka ng aking tinging makita sya waring hinahatak syang palapit.
Hinahanap sya ng aking puso, at wala nga sya sa akin.Ang gabi ring iyon ang nagpapasilahis sa mga kahoy ring iyon.
Kami, ng panahong iyon, ay hindi na nakakatulad.Hindi ko na sya iniibig, tiyak ang gayon, ngunit talagang inibig ko sya.
Tinangka ng tinig kong mahawakan ang hangin nang mahipo ang kanyang pandinig.Sa iba na. Magiging sa iba na sya. Gaya ng kaharap pa sya ng aking mga halik.
Ang kanyang tinig, ang kanyang katawang naliliwanagan. Ang matang walang hanggan.Hindi ko na sya iniibig, tiyak ang gayon, ngunit maaaring iniibig ko sya.
Napakaiksi ng pag-ibig, ang paglimot ang napakahaba.Dahil sa mga gabing tulad ng isang ito hinapit ko sya sa aking mga kamay
hindi nasisiyahan ang aking kaluluwa na wala na sya sa kanya.Kahit na ito ang huling pasakit na ipinadurusa nya sa akin
at ito ang mga huling taludtod na sinusulat ko para sa kanya.
Salin ng “Tonight I Can Write” ni Pablo Neruda, Poem XX sa kanyang Twenty Love Poems and a Song of Despair, salin ni W. S. Merwin ng Veinte poemas de amor y una cancion desesperada ni Neruda, unang nalimbag noong 1924, halos 20 taon pa lang ang makata. Ang Veinte Poemas… ay muntik nang hindi malimbag, tinanggihan ng pabliser, sabi’y nilibak ng mga kritiko. Mula kay Stephen Dobyns, isang makata ring nag-“Foreword” sa salin ni Merwin, ito ang ilang tala: ipinanganak sa Parral, Chile si Pablo Neruda noong 12 Hulyo 1904, ang ama nya’y nagtatrabaho sa perokaril, guro naman ang kanyang ina, na isang buwan lang matapos isilang si Neruda ay namatay na sa tuberkolosis; lumipat sila sa Temuco, higit na malayo sa Santiago, kabisera ng Chile, kung saan muling nag-asawa ang kanyang ama; minahal man ni Neruda ang madrasta at mga kinakapatid na babae’t lalake, naiba sya: palabasa, nagsulat ng mga tula at nag-umpisang isalin si Baudelaire nang 12 taon pa lamang, 14 na taon pa lang sya nang lumabas ang kanyang unang tula sa isang magasin sa Santiago; naging kaibigan nya si Gabriela Mistral, isa ring makatang premyadong Nobel mula sa Chile, nagpahiram sa kanya ng mga aklat, karamihan ay kay Dostoyevski at Chekhov; si Pablo Neruda ay si Neftali Ricardo Reyes Basoalto sa tunay na buhay, galing ang Neruda sa isang manunulat na Czech ng ika-19 na siglo, samantalang Lucila Godoy Alcayaga naman sa totoo si Gabriela Mistral. Ayon pa kay Dobyns, mahaba ang pampublikong buhay ni Neruda, mula sa pagiging konsul at diplomat tungo sa pagiging Komunista’t embahador ng gobyernong Allende sa Paris tungo sa Premyong Nobel ng 1971 tungo sa kanyang kamatayan sa kanser noong 23 Setyembre 1973, sa gitna ng madugong kudeta ni Heneral Augusto Pinochet laban sa gobyernong Allende, “isang kudetang binili at binayaran ni Henry Kissinger at ng gobyernong Estados Unidos,” ngunit sa una’t huli isa syang makata. “Ang kanyang mga tula ay bahagi ng kanyang buhay-publiko, laluna nang nagsusulat sya pagkatapos maging isang Komunista nang ilaan niya ang kanyang sarili sa paglilinaw at patuloy na artikulasyon ng katanungang Paano ka ba mabubuhay?” Dagdag ni Dobyns ang sipi sa makata sa binigkas nito sa PEN sa syudad ng New York noong Abril 1972:
Maraming mukha ang kadakilaan, ngunit ako, isang makatang nagsusulat sa Espanyol, ay mas maraming natutuhan kay Walt Whitman kaysa kay Cervantes. Sa panulaan ni Whitman, hindi kailanman hinamak ang mga mangmang, at ang kalagayan pantao ay kailanma’y hindi kinasuklaman.
Gaya ng salin ng tula, ang mga halaw at sipi mula sa “Foreword” ni Dobyns ay salin din ni Monico M. Atienza, estudyante at guro ng wika, lipunan at kultura, mula sa DFPP, KAL, UP sa Diliman.
- mula sa Pinoy Weekly, 16 Pebrero 2007
11:30 ng gabi
20 setyembre 2007