merry christmas! maaga ang pasko sa pinas. nang sandaling manood ako kanina ng early morning shows christmas na agad ang tema nila, na agad mapapansin sa mga dekorasyon at awitin. nang kumain naman ako sa goldilocks ng sm city manila (masarap ang laing nila) eh christmas songs na rin ang pinapatugtog. pagsapit ng setyembre, sa pagsisimula ng –ber months, tinitimbrehan tayo na kailangan nang magsaya – sa pamamagitan ng paggasta; o, sa pagsasara ng taon, sa pag-aasam na matatapos na rin ang pagtawid natin sa alambre ng pakikibakang mabuhay, ay hinihikayat tayong panahon na para magpiyesta. ang kapanganakan ni hesus ay pagsisimula ng ating kaligtasan pero halos lahat tayo ay umiiwas sa pasanin ng hindi mabilang na gastusin na pinakamatindi kapag ganitong okasyon.
naalala ko lang na nitong sabado eh pumunta ako sa bahay ng isang kaibigan, isang kaklase noong grade school days. madalas kaming magkita-kita pero mga isang buwan na ring lingo-linggo kaming nasa kanila upang makatipid. magdadala lang ng pagkain at film marathon na. hiniling akong maging ninong ng pamangkin niya at bahagi nitong ‘kulturang pinoy’ na hindi natin matakasan eh ang hindi pagtanggi sa ganyang mga imbitasyon. naging malapit na rin naman kaming magkakaibigan sa pamilya nila, at itong babaeng kaibigan ko’y one of the boys na noon pa. paano ba ito? dumarami na ang inaanak ko? hirap na nga akong madalaw sila, makamusta at makapagbigay man lamang ng kaunti eh paano pa kaya ang esensiya ng pagiging pangalawang magulang sa mga inaanak?!
***
sa gitna ng pagsisimula ng kasiyahang obligasyon tuwing pasko eh pumanaw na si mang pandoy. ang juan de la cruz noong dekada nobenta na kinasangkapan sa pagtakbo sa halalang pampangulo namatay na naghihirap pa rin, wala ni isa man sa kanyang mga anak ang nakapagtapos ng pag-aaral. tingin ko naman aalwan ang pamumuhay ni mang pandoy kung tuwiran siyang inempleyo ng mga ganid nating pulitiko, trophy kumbaga (karpintero, alalay, alipin, goon? bagman? fixer?); ‘yon nga lang ang kalakaran eh sikaping ipakitang uunlad si mang pandoy sa normal na kayod upang mabuhay – pantasyang pinauunlad ang pinas. umiinog nang parang hilo ang mundo, ibinabalik tayo sa nakaraan, at parang nauulit ang lahat. malala pa sa dati. hindi siguro koinsidental ang naputol na reunion concert ng eheads, kontemporaryo sa kasikatan ni mang pandoy (beatles ng pinas!) at wala na sigurong hihigit pa sa pagpapahiwatig ng nararamdaman ng kabataang nasa lunduyan ng pag-ibig, angas, hinanakit, hindi lubusang pagkamakasarili, pighati at pag-asa na bubuti din ang lahat. masyado kasing napagod si ely, inunawa nang marami ang pagkamatay ng ina pero walang simpatiya sa kung siya lang ang tutuusin, durugista kasi! pero umaasam tayong magkakaroon muli ng concert at sana’y sa susunod na issue eh ligaya na! ito (dapat) ay para sa mga masa...
***
may masama ding balita ngayong gabi lang: tumaas ang suweldo ni gma! ito ang kukumpleto sa lahat! eh ni wala pa nga ang 10% salary increase kaming peyups employees dahil pinagtatalunan pa kung sa pagpasa ng bagong charter noong mayo ay makakasama kami sa pay hike ng government employees na nagsimula nitong hulyo. (siyangapala, nagiging pribado na ang UP) kahit napakarami namin at iisa lang siya, hindi pa rin makatarungan ito. taliwas sa rason na pag-agapay din sa mataas na bilihin ang pagtaas ng suweldo ng mga opisyales ng gobyerno, at sa pangangatwiran pang mapipigilan ng mataas-taas na sahod ang korupsyon, mali ang pagtanggi ng makatwirang sahod para sa gumagawa habang pinapataba naman yaong mga nangangapital na sa puwesto sa gobyerno. sa pantay na pagtaas nga lang ng sahod eh tagibang na agad sa mahirap ang sistema dahil sa porsiyentuhang pagtaas eh higit na lumalaki ang mga sahod ng malaki na ang kita, paano pa kaya kung makaisang-panig lang ang wage increase.
11:08 ng gabi
lunes, 1 setyembre 2008
Monday, September 1, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment