May photography exhibit sa Riverbanks Marikina na hinabol ko ang last day kanina. Hindi naman masyado nakakapanghinayang dahil nakita ko na ang photos sa ilang mga publikasyon. Tinatanggal na ng mga manggagawa ang photos nang dumating ako. Palaging napapanahon ang mga eksibit na katulad nito, right timing sa isang lipunang madalas may pinaaalis sa poder. Ang kapansin-pansin ay ang focus sa mga lider ng bansa -- mula kay Macoy, Enrile, Ramos at Ver hanggang kina Cory, Erap at ngayo'y pinapatalsik na si GMA -- pagbibigay-kahulugan sa people power sa pamamagitan ng pag-aalis mismo sa taumbayan ng kanilang kapangyarihan. Habang ginagamit ang liwanag ng sining at teknolohiya ng potograpiya upang maliwanagan tayo sa mga makasaysayang usapin, kasabay namang pinalalabo ang papel ng mamamayan sa pagbabagong panlipunan. Anino o suporta lamang ang mga tao sa pag-aaway ng mga nasa puwesto; hindi sila ang gumagawa ng desisyon bagkus ay pinapakilos lamang batay sa ilang mga interes na sinasabing lantay na repleksyon din ng kanilang mithiin. At dahil sa 'official photo exhibit' ito ng Spirit of EDSA Foundation at EDSA Power Commission, makikita ang katotohanang ang opisyal na kasaysayan ng EDSA ay ang tema ng naturang mga gawa ng potograpong si Sonny Camarillo: 'kung walang labanan at walang bangayan, uunlad na ang bayan'. Sa mga litrato ng EDSA, pagsumikapan nating makagawa ng naratolohiya ng pag-aalsa. Mga litratong magsasakasaysayan ng pagkilos para angkinin ang kapangyarihang kamtin ang pag-unlad at kaakibat na makataong pamumuhay. Kapangyarihan itong tayo ang magpapasya at magsasakatuparan ng walang katapusang rebolusyong papatid sa normal na daloy ng ating madilim na kasaysayan.
9 Marso 2008
Sunday, March 9, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment