Sa biyahe patungong Timog Katagalugan: palabas ang Wowowee.
Paminsan-minsan lang akong nakakapanood ng lunchtime tv program. At kung manonood ay paborito ko ang Eat Bulaga!. Patok pa rin kasi ang mga hirit ni Joey de Leon. Magagaling magpadaloy ng programa ang hosts. At nando'n din si Michael V, na medyo tahimik. Kalabisan para sa akin ang wowowee: sobrang ingay, sobrang likot, sobrang iyakan at tawanan at nakakapanggalit ang kanilang pag-alipusta sa masa para lamang makakuha ng atensyon. Pero hindi lamang sa mga mahihirap at sinasabing mga walang-pinag-aralan malakas humatak ang palabas na ito; maraming mga mayayaman at may mga naabot din naman sa buhay, gaya ng mga Pinoy abroad, na masugid na tagapanood ng show ni Willie Revillame.
Contestants nang tanghaling makapanood ako ang mga takatak (cigarette vendor) boys. Bahagi na ng programa ang pag-alam sa background ng mga kalahok; dito nga lamang eh medyo itinutuloy ang pagtatanong sa mga personal na trobol nila. Kailangang madrama...hindi ka lang dukha...dinudusta pa...'yong isang bata tinanong tungkol sa mga magulang - patay na pala ang nanay niya, ang dahilan: iniwan sila ng tatay, nagkasakit ang nanay at namatay... 'yong isa naman sinabing tinanong kung taga-saan siya, sumagot na taga-Tondo at kupal pang humirit na maraming tsismoso sa kanila...at ang isa eh hiniling na magpakita naman ang magulang na namatay na, kausapin daw siya, sabihin ang dahilan kung bakit sila nilisan. Magkasalimbayan ang extreme comedy at drama sa wowowee. Matatawa ka sa witty na hirit ng player at maiiyak din sa tila wala nang hihigit pang kaapihan na dinaranas nila. Sa talent part, kakanta at sasayaw ang contestant na paraan na rin upang ibsan ang mga hinanakit sa mismong sandali ng kasikatang inilalaan sa kanila.
Sa wowowee nga lamang, pinalalabnaw ang nabubuo nang emosyon ng mga tagapakinig at tagapanood. Ang mass medium ng telebisyon ay may kapangyarihang kumalap ng simpatiya, na maaaring tumungo sa pagbuwag ng pagitan 'natin' at 'nila'. Na sana'y hindi lamang pagbibigay ng donasyon ng audience/mayayaman at naaawang Pinoy ang maisasagawa. Ito kasi ay konsolasyon lamang: na ang mga nagbibigay ay ituturing na mabuti pa ang kanilang kalagayan pagkatapos malaman ang abang kalagayan ng iba at dahil dito'y makararamdam ng pagpapala dahil pinagpapala nila ang iba. Kasama sa pagbalong ng luha ang katiyakang ayos naman pala ang lahat...tuloy ang palabas.
Ang tiyak: kumita ang mga taong nasa likod ng palabas. Itong kalagayang madala sa nakalulungkot na kuwentong ibinabahagi ng mass media ay dulot ng kagyat na ugnay ng ating karanasan din ng pighati at kahirapan. Sa pagitan ng contestant at madla, wala tayong pinagkaiba. Sa isang banda'y maaaring pinanonood lamang natin ang ating mga sarili. Malaking negosyo ito! Pagkatapos umiyak, sasayaw at kakanta si Willie, kikita nang malaki, at mambababae. Alalahaning may apektibong dimensiyon ang pasismo. At siguro'y metodolohiya nito ang pagkudlit sa napakalambot na kaibuturan ng ating puso (at budhi?) upang pakilusin tayo sa iisang tungo. 'yon nga lang, ang tunguhin bang ito'y mag-iimbestiga sa malalim na dahilan ng pagdanas ng karukhaan? 'yon bang mag-iisa sa watak-watak na karanasan ng pagkadusta? O iha-hyper ang ating emosyon (galit! lungkot! awa!) para lamang sa lubos na kaluwalhatian ng mga kapitalista?
Wowowee, sino'ng hindi mawiwili?!
2 Abril 2008
Wednesday, April 2, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Correction: imbes na 'apektibong' dimensiyon ay 'afektibong' (affective; pumapatungkol sa pagdamdam) dimensiyon. - jpaul
Post a Comment